Home » Campaigns » Human Rights » Suportahan ang ILO-HLTM! Hustisya kay Carlito “Karletz” Badion!
,

Suportahan ang ILO-HLTM! Hustisya kay Carlito “Karletz” Badion!

Si Carlito “Ka Karletz” Badion ay isang lider ng maralitang lungsod na nagmula sa komunidad ng Payatas, Quezon City. Isa siya sa mga nakaligtas noong naganap ang ang Payatas Tragedy noong July 2000 kung saan mahigit 300 na residente ng maralitang Payatas ang natabunan ng bundok ng basura at namatay. Hindi maitatanggi ang kahusayan ni Ka Carletz sa pag-oorganisa ng mga impormal na manggagawa tulad ng mga manininda, mga jeepney drayber, at iba pa. Dahil sa pamumuno niya bilang Secretary-General ng KADAMAY, ay naging matagumpay ang malawak na hanay ng maralitang lungsod sa isinagawang “Occupy Pandi” noong March 2017. Ngunit noon lamang May 28, 2020 sa Ormoc City, Leyte, ay natagpuang patay si Ka Carletz sa may tabing ilog.

Ayon sa ulat ng kapulisan noong natagpuan ang kanyang nabubulok nang bangkay, ay makikita na nagtamo ang katawan nito ng mga sugat na nagpapatunay na siya ay tinortyur bago patayin. Dagdag pa ng mga ito makalipas ang ilang araw ay kusang sumuko ang mga suspek sa pagpatay sa kilalang lider: isang matandang lalaki, at dalawang di umano’y menor de edad na may edad 11 at 13 lamang ang mga salarin sa pagpatay kay Ka Carletz.

Pinabulaanan ng KADAMAY ang ulat na ito ng mga pulis dahil dalawang araw bago mamatay ang kilalang lider ay nakatanggap ito ng mga banta sa kanyang buhay at makailang beses din nared-tag ng mga nagbabantang ito. Iginigiit ng KADAMAY na imposibleng walang kinalaman ang mga elemento ng Armed Forces of the Philippines sa naganap na pagpatay kay Ka Carletz.

Isa lamang ang kwento ng pagkamatay ni Carlito Badion sa maraming atake na naganap sa iba’t ibang komunidad sa ilalim ng administrasyon ni Duterte laban sa karapatan ng maralitang lungsod upang mag-organisa at magkaisa sa pagsusulong ng kanilang karapatan para sa disenteng pabahay, trabaho, at nakasasapat na sahod. Ngunit hindi ito natigil sa ilalim ng kapangyarihan ni Duterte dahil patuloy pa rin ang atake sa komunidad at maralitang aktibista sa ilalim ng rehimeng Marcos, isa sa pinakabago at pinakamatingkad na atake ay nito lamang December 2022 laban sa isa nanamang organisador ng KADAMAY na si Melanie Sumayang.

Naninindigan ang KADAMAY kasama ang malawak na hanay ng maralitang lungsod na sa tulong ng ILO-HLTM ay kagyat na maimbestigahan at managot ang administrasyon ni Duterte at kasalukuyang administrasyon ni Marcos sa walang humpay na pag-atake sa karapatang pantao ng maralitang lungsod sa mga komunidad.

Patuloy na manindigan para sa karapatan ng maralitang lungsod! Itigil ang pag-atake sa komunidad! Ipaglaban ang karapatan sa pag-uunyon at pag-oorganisa!

Share