Home » News » 7 Residente Sugatan sa Marahas na Demolisyon sa Sitio Balubad, Angeles City
,

7 Residente Sugatan sa Marahas na Demolisyon sa Sitio Balubad, Angeles City

Photo courtesy of the Angeles City Police Office
Photo courtesy of the Angeles City Police Office

Pitong residente ng Sitio Balubad sa Brgy. Anunas, Angeles City ang itinakbo sa ospital matapos limang minuto silang paulanan ng putok ng sama-samang pwersa ng SWAT, pulis, at goons ng Clark Hills Properties sa isa na namang sapilitang demolisyon.

Ayon sa mga residente, tinatayang 500 ang bilang ng pinagsamang puwersa ng SWAT, pulis, at security ng Clark Hills Properties na dumagsa nitong umaga sa Sitio Balubad kung saan nagbabarikada ang mga residente upang depensahan ang kanilang mga tahanan mula sa pangkat ng demolisyon.

Taong 2023 pa nang simulan ng Clark Hills Properties ang marahas na paninindak at sapilitang pagpapalayas sa mga residente ng Sitio Balubad na naninirahan sa loob ng 72 ektaryang lupa na inaangkin ng nasabing korporasyon. Mahigit 2,000 na indibidwal na naninirahan dito, kabilang ang mga magsasaka, ang apektado sa operasyon ng Clark Hills. Bukod sa mga kabahayaan, maging agraryong produksyon ay lubos na mapipinsala.

Sa isang social media post nitong Pebrero lamang, pinuna ng lokal na pamahalaan ng Angeles City ang kawalan pa rin ng konkreto at makataong plano ng Clark Hills Properties para sa mga apektadong residente. Kahit na pinabatid ng Clark Hills na bukas ito sa usapin ng relokasyon, pagbibigay ng tulong pinansyal, at pag-iiwan ng lupa para sa pabahay, nananatiling walang usad at pawang karahasan lamang ang alok nito para sa mga residente.

Matatandaan na naipamahagi sa mga magsasaka ang lupaing kinatitirikan ng Sitio Balubad sa ilalim ng CARP. Ngunit taong 2001, binawi ito ng Korte Suprema sa kadahilanang ang lupa umano ay isang residential land. Ito nga ang nagbigay daan upang kamkamin ng isang korporasyon gaya ng Clark Hills Properties ang lupang tinamnan, pinalago, at tinuring na tahanan ng ilang henerasyon ng mga magsasaka at residente. Patunay lamang na sa ilalim ng mga reaksiyonaryong programa tulad ng CARP, bulnerable pa rin sa pangangamkam ng mga panginoong may-lupa kahit mismong mga magsasakang makikinabang sana dito.

Mariing kinokondena ng KADAMAY ang tahasang paglabag sa karapatang pantao ng mga residente ng Sitio Balubad. Maigting din nitong kinukundena ang pandarahas na bunga ng kuntsabahan ng Clark Hills Properties at kapulisan, at ang patuloy na pagsasawalang-bahala ng pamahalaan sa karapatan ng tao sa lupa at tahanan. Lubusang kinasusuklaman ng KADAMAY ang huwad na kaunlarang pinopondohan ng dugo ng inaapi, pinapalayas, at dinadahas na mga mahihirap at magsasaka. 

Ang kaunlaran, mga tahanan, at lupa ay dapat para sa mga residenteng nagpaunlad nito!

Clark Hills Properties, palayasin! 
Sapilitang demolisyon at karahasan, tutulan! 
Tunay na reporma sa lupa, ipaglaban!
Kaunlaran para sa lahat, hindi sa iilan!

Share