Si “Ka Karletz” or Carlito Badion sa totoong buhay ay ipinanganak at lumaki sa Tanauan, Leyte. Siya ay pangalawa sa pitong magkakapatid. Dahil sa hindi magandang karanasan sa buhay, sa edad na 17 or 18 ay natuto ng makipagsapalaran sa Maynila upang magtrabaho.
Sa paglipas ng mga taon, iba’t-ibang trabaho ang kanyang nasubukan. Siya ay namasukan bilang Checker sa isang pier, Supervisor ng isang patahian. Nariyan din na nakapagtinda siya ng kendi at sigarilyo sa kalsada, magkumpuni ng sirang Cellphone, Electric fan, at kung anu-ano pa. Marunong din sa pagko-construction o paggawa ng bahay.
Sa patahian sila nagkakila ni mama. Sila ay nagsama sa edad na 22 at nanirahan sa Payatas. Kalaunan, si papa ay napabilang na sa iba’t ibang organisasyon; Bayan Muna, Anakpawis at naging Secretary General ng Kadamay.
Noong gumuho ang Payatas noong 2000, kami ay narelocate sa Kasiglahan sa may Rizal at doon na kami namuhay. Habang ako ay nag-aaral, si papa ay aktibo naman sa organisasyon. Ang hirap malayo sa pamilya pero hindi pa rin niya nakakaligtaan maging ama at asawa. Naaalala ko, masayang-masaya ako kapag uuwi siya ng Rizal kasi magkakabonding kami.
Kung ang karamihan siguro iisipin masyado siyang seryosong tao pero kapag nakilala mo na siya masasabi mong siya ay makwelang tao, masiyahin at palabiro. Siya na yata ang pinakamabuting tao na nakilala ko, napaka maintundihin at ni minsan ay hindi sila nag-away ni mama. napakamapagbigay rin niya.
Hindi lang yun, mabuti din siya sa kapwa, napakabait at malapit sa mga bata. Walang maihahalintulad sa pagmamahal na ibinibigay niya sa aming pamilya at sa ibang tao kaya ganoon na lamang rin ang suporta namin sa kanyang napiling trabaho dahil nandoon talaga ang puso niya.
Ngayong ikatlong taon ng kanyang kamatayan, gusto ko lamang ibahagi kung gaano siya naging mabuting tao hindi lang sa amin maging sa ibang tao. Hindi man naging madali para sa amin ang nangyari pero nagpapasalamat pa rin kami dahil siya ang naging pamilya namin
Likha ni Esther para sa kaarawan ng kanyang ama na si Carlito “Ka Karletz” Badion.
Pinagpupugayan ng KADAMAY ang naging pakikibaka ni Ka Karletz kasama ng maralitang lungsod para sa karapatan sa paninirahan. Tinagurian siyang “Ama ng Occupy” dahil sa naging kontribusyon niya upang mapakinabangan ang mga tiwangwang na bahay sa Pandi. Naging aktibo rin siya sa mga barikada tuwing may demolisyon sa mga komunidad.
Tumayo bilang dating Secretary General ng KADAMAY si Ka Karletz hanggang sa karumaldumal na pagpaslang sa kanya noong Mayo 2020 sa Ormoc City, Leyte.
Kaisa ang KADAMAY sa patuloy na panawagan ng kanyang pamilya para makamit ang hustisya!