Ipinagmamalaki ni Marcos Jr na ‘diumano ay patuloy daw ang paglago ng ekonomiya ng bansa. Sa huling niyang ulat, nakapagtala raw ang bansa ng 7.6% GDP growth sa pagtatapos ng 2022. Ang GDP o “Gross Domestic Product” sa madaling salita, ay ang sukat ng lahat ng economic activity ng isang bansa sa isang takdang panahon.
Tandaan nating kagagaling lang natin sa pandemya. Unti-unting nagbukas ang ekonomiya nitong 2021 – 2022 kaya natural lang na bumabaha ang pagkonsumo at tumaas ang gastos ng mga tao na nagdulot ng pagtaas ng GDP.
Pero ang mahalagang tanong dito, ramdam ba ng mga mahihirap ang ipinagbubunying 7.6% GDP growth? ‘Wag nating kalimutang ayon mismo sa mga datos ng gobyerno, patuloy ang pagtaas ng presyo ng bilihin, dumami ang bilang ng mga pamilyang nawalan ng ipon, at lumaki ang bilang ng mga nagtatrabaho sa impormal na ekonomiya na ang ibig sabihin ay paglobo ng kawalang katiyakan sa trabaho, pagbaba ng tunay na halaga ng sahod, at mas matinding kagutuman.
Malinaw na malayo sa sikmura ng maralitang Pilipino ang ipinagdiriwang na “ekonomiya” ni Marcos Jr.
Ano ang dapat asahan sa 2023? Kung patuloy hindi tutugunan ng biyaherong pangulo ang lumalalang kagutuman at pagbaba ng sahod ng taumbayan, lalo lang tayo mababaon sa kahirapan!
Tama na! Sobra na! Oras na para magkaisa para sa mas masaganang kinabukasan! Ipanawagan ang mataas at patas na sahod sa buong bansa! Pagpapababa ng presyo ng bilihin! At serbisyo’t ayuda para sa lahat! Ngayon na!